Biyernes, Hulyo 27, 2012

[/]BAKIT MARAMING PILIPINONG NAG-IIBANG BANSA ??.
(image included by amieljade *power of adobe photoshop)...
MAY LIMANG [5] DAHILAN KUNG BAKIT MARAMING PILIPINO ANG NANGINGIBANG BANSA ..

[UNA] : May anak o kapatid na pinapag-aral
Isa ito sa pinakamaraming dahilan kung bakit ang dalawang taong kontrata ay kulang na kulang para maisipan ng isang OFW na tumigil na sa pag-aabroad. Kung ang anak ay nasa Kinder 2 pa lang, anim na taon pa ang gugugulin sa elementarya, apat na taon sa high school at apat o limang taon sa kolehiyo. Sasabihin ko sanang mas masuwerte ang mga OFW na ang papag-aralin ay kapatid na magkokolehiyo na dahil apat na taon lang ang ilalagi sa ibang bansa, pero, pero teka, nalaman ng pinsan ang roaming number ng OFW kaya’t nakiusap silang ‘Sana man lang, tulungan mo naman kaming makapag-aral, total gra-graduate naman na ang kapatid mo. Sabuyan mo naman kami ng grasya na mga pinsan mo ate. Please naman.’ Kailan pa mauubos ang mga kamag-anak na gustong mag-aral?

[IKALAWA] : Tila walang pinatutunguhan ang perang pinapadala sa Pinas
Sa dami ng napupuntahan ng perang pinapadala ng isang OFW sa Pilipinas, mapa-sampung libo o limampung libo man ang ipapadala, tumaas man ang palitan ng dolyar sa black market, bumaba man ang pagpapa-remit sa abroad, tila kulang pa rin ang malaking sahod nila sa ibang bansa. Bakit? Dahil habang lumalaki ang kita ng isang pamilyang Pinoy, lumalaki din ang pangangailangan o mas mainam sigurong sabihing mas lumalaki ang gustong pagkakagastusan. Dalawampung libo kada buwan ang sahod, gusto may katulong ang naiwan sa Pinas. Tatlumpong libo kada buwan, gustong magkaroon ng Honda Civic. Apatnapong libo kada buwan, gustong magbakasyon sa Singapore ang buong pamilya. Limampung libo? Parang kulang ang isang blog post para isa-isahin natin kung saan gustong gamitin ng isang OFW ang sahod.

[IKATLO] : Walang planong magpatayo ng sariling pangkabuhayan
Karamihan sa mga OFW, pag-alis sa ating bansa, wala sa kanilang plano ang mag-ipon para sa negosyo. Mag-ipon para sa malaking bahay siguro, pero pangkabuhayan, saka na nila iisipin kapag nakapag-ipon na ng malaki-laki. Pero dahil kadalasa’y tamang-tama lang ang ipinapadalang pera buwan-buwan ng isang OFW, mukhang matagal-tagal pa bago makapag-ipon para sa sariling negosyo. At KUNG sakali mang nakapag-ipon na, “Anong negosyo naman ang ipapatayo ko?” tanong ng isang OFW. May mga OFW na nagtanong na sa akin kung ano bang magandang negosyo para sa perang naipon nila? Ang madalas na sagot ko’y ‘Ano bang hilig mong gawin na pwede sanang pagkakitaan mo?’ At doon na nagsisimula ang mga pangarap nilang
“Gusto ko sanang magkaroon ng internet cafĂ© kasi mahilig talaga akong mag-Friendster at mag-chat pero malaki bang kikitain sa computer shop?.”
“Gusto ko sanang magkaroon ng restaurant dahil mahilig ako sa fine dining pero baka kulang naman naipon ko.”
“Gusto sana ng mga kasama kong Pilipino dito sa Australia na mag-franchise na lang sa Jollibee para hindi gaano mahirap kasi wala naman kaming background pa sa negosyo.”
Ang mga PERONG ‘yun ay siyang pumipigil sa mga OFW para ituloy ang balak mag-negosyo kaya’t lumilipas ang isa, dalawa o tatlong taon ay hindi pa makapagdesisyon ang isang OFW kung magnenegosyo nga ba o hindi.

[IKAAPAT] : Mas gusto nang tumira sa bansang pinuntahan
Marami rin sa ating mga kababayang OFW ang nagnanais na doon na lang sa bansang pinuntahan na pumirmi. Marami sa ating mga kakilala sa Canada na pinepetisyonan ang mga pamilya para magkakasama silang muli. Ito’y para maibsan ang pangungulila ng isang OFW sa pamilya at para maranasan naman ng kapamilya nila ang buhay sa ibang bansa. Makapaglaro sila sa snow sa Canada, mapasakay nila ang mga magulang nila sa bagong kotseng binili nila at ilibot sa buong California. Maipasyal ang mga anak sa Disneyland sa Hong Kong. At sasabihin nila, Wala ‘yan sa Pilipinas.” Kaya’t ang isang maaasahan sana ng bansa natin na tutulong para maiahon ang bansa natin, ay mawawala na dahil ang kikitai’y iikot na lang sa bansang kumupkop sa kanya.

[IKALIMA] : Takot nang bumalik sa dating hirap sa buhay ang isang OFW

Sasabihin ng isang OFW, “Nakakamiss ang Pilipinas, pero kung uuwi ako ng Pilipinas, anong ipapakain ko sa sarili ko’t sa pamilya ko?” Sa nakikitang karangyaan ng mga OFW sa ibang bansa, nagiging bangungot na sa kanila ang paglingon sa bansang pinanggalingan. Nakakatakot makipagsapalaran sa isang bansang walang maipapangakong maayos na trabaho, tahimik na kapaligiran, sapat na pagkain, malinis na pamamalakad sa bayan at walang maliwanag na hinaharap. At yan ang tingin ng mga OFW sa bansa natin.
Kayo, ano sa tingin n’yo ang mga dahilan kung bakit sa inaakala ng isang OFW na dalawang taong pamamalagi sa ibang bansa’y umaabot sa apat, walo, sampung taon hanggang sa ayaw nang bumalik dito sa ating bansa?

SOLUSYON :

- WALANG SOLUSYON SA PROBLEMANG ITO KUNG ANG BANSA AY WALANG SAPAT NA TRABAHO PARA SA MGA PILIPINONG MANG GAGAWA .. ANG BILANG NG MGA PILIPINONG WALANG TRABAHO AY UMABOT NA SA HALOS 34 MILYON KATAO ...
AT HINDI MADALI ANG MAGIGING PROSESO UPANG MABAWASAN ANG DAMI NG MGA PILIPINONG WALANG TRABAHO SA BANSA ..